ENGKANTADIA A Fantasy Novel By: DJ Mang Kulas Kabanata 51

ENGKANTADIA

A Fantasy Novel By: DJ Mang Kulas

Kabanata 51

"Tinatawagan ko ang ikalimang dragon... Red dragon spirit andrie at ang ikaanim na dragon, white dragon charm... lumabas kayo sa aking katawan, kaylangan ko ang inyong lakas at kapangyarihan”.

Nguni't nakalipas na ang ilang minuto ay wala pa ring dragon spirit na lumalabas sa kanyang palad. Bagay na ipinagtataka ni prinsipe avaloon

"Dragon andrie... dragon charm.. labas!" Ulit niya.

Wala pa rin. Kaya naman lalo siyang nagtataka. Narinig niya ang malakas na pagtawa ng babaeng heneral.

"Ano'ng nakakatawa?" Aniya.

"Hindi mo na sila matatawag pa para tulungan ka. Hindi mo na sila mapapalabas pa dahil sa mahiwagang pulseras na inilagay ko sa'yong mga kamay na siyang pipigil sa iyong mga spirit dragon na makalabas sa'yong katawan, at kahit nasa loob sila ng iyong katawan ay nagawa ko na ring balutan sila ng aking mahiwagang sinulid kaya kahit ano'ng gawin mo'y wala na silang silbi, hindi ka na nila matutulungan." Nakakainsultong paliwanag ng babaeng heneral. "Tama, may kapangyarihan ka pang taglay sa katawan dahil isa kang engkantado, pero ano'ng silbi ng mahina mong kapangyarihang iyan... tanging ang mahihinang engkanto lamang ang makakaya mong puksain... hindi ang kagaya kong malakas na engkanto."

Hindi makapaniwala ang prinsipe sa kanyang mga naririnig, natalo siya ng isang malakas na kalaban. Napailing siya. Hindi ito inaasahan ng prinsipe, inaakala niyang dahil nasa kanyang katawan ang anim na dragon ay wala ng makakatalo sa kanya kaya naging marahas siya at padalos-dalos. Nagtiwala siya sa kanyang kakayahang matalo ang kahit na sinumang alagad ni heras.

"Wala ka ng magagawa ngayon hangal na prinsipe para pigilan ang aking mga plano, hindi mo na mahahadlangan ang aming mga gagawin, kami na ang maghahari sa mundo ng engkantadya at sasakupin na namin ng tuluyan ang mundo ng mga mortal." Sabi ni haring heras ng lumabas ito mula sa ere. Isang black hole na nag-uugnay mula sa mundo ng engkantadya at mundo ng mortal.

"Ngayon ay alam ko na at nauunawaan ko kung bakit ang mga tauhan mong mahihina ang aking nakakaharap. Ginamit mo sila upang subukin at alamin ang aking mga kahinaan, bahagi lamang pala ito ng iyong mga plano." Ani ng prinsipe habang nakatingin ng masama sa hari ng engkantadya.

"Oo, hindi ka nagkakamali ng iyong mga sinabi, sinadya ko talaga na ganuon ang kanilang gawin upang malaman nila ang tunay mong lakas at kapangyarihan. Kung hanggang saan aabot ang hangganan ng lakas ng iyong mga dragon. Walang problema sa akin kung maubos sila dahil para sa akin isa silang magigiting na mandirigma ng aking kaharian. Ginamit ko sila upang Makita at malaman ang tunay mong lakas para talunin ka, maghintay ng tamang pagkakataon itong si heneral zipton upang makatiyak kami ng tagumpay, at nangyari naman ang aming mga plano, at ito ka sa aking harapan, bihag na kita pati ang wala mong silbing kasama." Paliwanag ni haring heras. Napangiti ng matamis. "Nasorpesa ba kita ha! Batang hangal."

"Talagang nasopresa ako heras, dahil tuso ka, isa kang inutil! Isang hangal na lalabas lamang sa lungga ngayon na alam mong sigurado na ang iyong tagumpay. Pero tulad ng sinabi ko. Hindi ako susuko sa'yo." Pang-iinsulto ni avaloon. pinilit niyang kuyumin ang palad at ipamukha sa kalaban na kahit ano'ng mangyari ay hindi siya matatakot at yuyukod.

"Kung ganuon tanggapin mo ang aking parusa! Tatapusin na kita bata." Sabi ni haring heras nang ilahad ang mga kamay. Nagliwanag iyon at kagyat na sumirit patungo sa kinatatayuan ng prinsipe.

Malakas na pagsabog ang naganap. Kaya nga lang ay nakailag duon ang prinsipe. Mabilis siyang pumaitaas. Tulad ng sinabi ng babaeng heneral meron pa talaga siyang taglay na kapangyarihan bilang isang engkantado, subalit mahina na iyon kung hindi niya magagamit ang kanyang mga dragon spirit. Hindi na niya matatalo ang isang makapangyarihang engkanto.

"Hangal, hindi mo ako matatakasan." Sigaw naman ni heneral zipton. Mabilis din itong lumipad at hinabol ang prinsipe. Nang makalapit ito sa prinsipe ay buong lakas niya itong tinadyakan sa katawan pababa sa lupa.

Bumulusok naman si avaloon. halos bumaon sa lupa sa lakas ng pagkakabagsak. Parang papanawan siya ng ulirat sa lakas ng pagkakasipa nito sa kanyang katawan. Ganu'n pa may nagpilit siyang makatayo.

"Hangal!" Sigaw ni haring heras ng magpakawala muli ng bola ng kapangyarihan upang puntiryahin ang katawan ng prinsipe. "Ito na ang katapusan mo...yaaaahhhh!"

Mabilis namang sumirit ang bola ng kapangyarihan patungo sa prinsipe. Naganap ang isang malakas na pagsabog sa kinatatayuan ng prinsipe. Nayanig ang boung paligid dahil sa animo'y tinamaan ng malaking bombang atomik.

"HHHHH!" Malakas na sigaw ni prinsipe avaloon ng tuluyang sumabog sa kanyang ang malaking bola ng kapangyarihan ni haring heras, mabilis siyang gumawa ng paraan, ginamit niya ang kakayahang iyon. Bago tuluyang sumabog sa kanyang katawan ang malakas na bola ng kapangyarihan ay naglaho siya.

Nang mahawi ang makapal na usok kung saan sumabog ang pinakawalan ni haring heras ay nakita niyang nagkadurog-durog ang mga batong naroroon. Nawasak at Nagkaroon ng malaking butas ang lupa. Pinakiramdaman ni heneral zipton ang aura ng prinsipe.

"Mahal na hari! Naisahan tayo ng batang 'yon, isa lamang itong manikang basahan na nilagyan niya ng buhay upang tayo'y linlangin." Galit na sinabi ni heneral zipton ng pulutin nito ang mga pirasong tela na nakakalat. "Malamang bago tumama ang inyong kapangyarihan ay ginawa na niya ito, nilansi niya tayo na ang akala natin ay totoong siya ang inyong pinatamaan ng iyong kapangyarihan.

"Heras! wag mo sanang kakalimutan na isa siyang malakas na engkantado. Kahit hindi na siya makalaban ngayon ay alam kong makakagawa siya ng paraan upang makawala siya sa mahiwagang pulseras na inilagay ni heneral zipton." Ani ni imadis ng pukawin nito ang atensyon ni haring heras. Nananatili silang lima na bihag ng mga itim na ninja. "Hindi man kami makalaban sa ngayon ay masaya naman kaming tinupad ang aming tungkulin na iniatang sa amin. Masaya kaming mamamatay."

"Sumpain ka batang hangal! Aaaahhhh!" Malakas na sigaw ni haring heras habang nagpapalinga-linga sa paligid. Matalim nitong tiningnan ang limang mandirigma. "Ikulong ninyo ang limang pangahas na ito, parusahan ninyo upang lumabas ang batang 'yon."

"Masusunod mahal na haring heras." Ani ng mga black ninja. Kaagad nila itong tinalian ng mga matitibay na tali ang mga kamay ng mga iyon upang hindi makawala pa. Nilagyan din ng mga ito ng mahiwagang pulseras upang hindi magamit ang mga taglay na kapangyarihan.

"Mahal na hari! Nakalimutan kong sabihin sa'yo na kahit hindi na niya nagagamit ang kanyang mga dragon ay may taglay pa siyang kapangyarihan dahil sa pagiging engkantado. Huwag nating kalilimutan na anak siya nina prinsipe odin at prinsesa amirah." Sabi ni heneral zipton. Napabuntong-hininga ito.

"Kung gayon ay balewala din pala kahit nahuli mo at maigapos ang kanyang mga dragon spirit dahil mayroon pa rin siyang kapangyarihan."Naninisi nitong tinig sa heneral.

"Mali ka dyan mahal na hari!" Tanggi ng babaeng heneral. "Ang mga dragon niya ang nagpapalakas ng halos sampung ulit sa lakas na taglay niyang kapangyarihan bilang engkantado. Hindi pwedeng balewalain ang kanyang prisensya sa labanan. Mabuti na lamang isa akong tusong mandirigma. At isa pa mahal na hari, kung hindi niya magagamit ang mga dragon, matatalo siya ng isang may ikalawang antas na may kapangyarihang itim na engkanto. Makakaya pa niyang talunin ang mga pangkaraniwang engkanto.”

NANG pagkakataon namang iyon ay malayong-malayo na si prinsipe avaloon, ang totoo'y pagod na pagod na siya dahil sa dami ng mga nakalaban niya. Bukod duon ay marami din siyang tinamong sugat mula sa pakikipag-laban niya sa babaeng heneral. Iisa lamang ang deriksyon niya. Ang hanapin ang kuweba ng matandang ermitanyo na tumulong sa kanya nuong unang pagkakataong matalo siya sa laban nila ni heneral calib at nagkaroon siya ng malubha ring sugat, katulad ngayon.

"Tatang...nasaan kayo tatang!" Tawag niya nang makapasok na sa loob ng kweba. Tila hindi nagbabago ang kwebang pinanggalingan niya dati ng inilinga niya ang kanyang paningin habang hinahanap niya ang matandang ermitanyo. Naupo siya sa upuang yari sa kawayan na naroon. "Tatang, tulungan ninyo ako."

"Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa'yo bata ka, iyan ang nasasaad sa aklat ng kasaysayan na matatalo sa labanan ang nilalang na magliligtas sa kaniyang mundo, ang dahilan ay nakita ng kalaban ang iyong kahinaan." Sabi ng matandang ermitanyo nang walang anu-ano ay biglang lumabas sa harapan ng prinsipe.

"Tatang, alin ba ang kahinaan ko ang nakita ng aking kalaban?" Tanong nito sa matandang ermitanyo.

"Ang iyong kayabangan avaloon, iyon ang iyong kahinaan. Hindi porke't natalo mo ang isang malakas na prinsipe na galing sa engkantadya ay lumaki na ang iyong ulo, na sa pag-aakala mong malakas ka't walang makakatalo sa'yo ay ibinigay mo na ang lahat ng iyong makakaya. Ipinakita mo na ang lahat ng iyong makakaya. Ipinakita mo na agad ang lihim at kakayahan ng mga spirit dragon na siyang nagbibigay ng ibayong lakas sa'yong taglay na pagiging isang malakas at makapangyarihang engkantado. Napag-aralan tuloy ng kalaban ang iyong kilos at gilas sa pakikipaglaban. Nakapaghanda tuloy sila!" Napapailing na sinabi ng matandang ermitanyo. "Iyon ang malaking pagkakaiba ng iyong lolo at ama, dahil ang lolo mo na isang hari ng engkantadya at ang anak nitong prinsipe na siya mo namang ama.. kahit alam nilang kayang-kaya nila ang kanilang mga kalaban ay sinisikap nilang mag-ama na huwag ipakita ang iba nilang nalalaman. Inilalabas lamang nila ang mga paraang iyon kung sa tingin nila ay matatalo sila sa labanan."

"A-Ang aking lolo at ama, ano ang ibig ninyong sabihin tatang? Ano ba ang kanilang mga kakayahan at kapangyarihan sa katawan bilang mga engkantado?" Tanong nito sa matanda.

ITUTULOY

![ENGKANTADIA A Fantasy Novel By: DJ Mang Kulas Kabanata 51 "Tinatawagan...](https://cdn22.sharefile32du43232.online/0/engkantadia-a-fantasy-novel-by-dj-mang-kulas-kabanata-51-tinatawagan.jpg "ENGKANTADIA A Fantasy Novel By: DJ Mang Kulas Kabanata 51 "Tinatawagan...")

Tumugon sa hibla na ito

Ang site na ito ay gumagamit ng mga cookies at iba pang mga teknolohiya sa pagsubaybay upang makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng mga indibidwal na computer, personalized na service settings, analytical at statistical na layunin, at pagpapasadya ng nilalaman at paghahatid ng ad. Maaaring naglalaman ang site na ito ng mga third-party cookies. Kung patuloy mong gagamitin ang site, ipinapalagay namin na tumutugma ito sa kasalukuyang mga setting, ngunit maaari mo itong baguhin anumang oras. Higit pang impormasyon dito: Patakaran sa Pagkapribado at Cookie